Ang Kalamansing Pag-ibig ni Lorenzo Di Matalo


Naghuhugas ako nun ng plato sa kusina, may siwang sa harapan ko kaya kita ko ang tanawin sa labas. Nang patapos na ako ay napatingin ako sa ibabang unit ng kabilang building. Nasa 6th floor kasi kami kaya medyo mataas na ito. Nakita kung may tao sa bintana ng kusinang iyon, nakataas yata ang kamay. Hindi ko maaninag dahil madilim sa parte na iyon na kinatatayuan nito. Tiningnan ko ng maigi pero hindi ko talaga malaman kung ano ang ginagawa ng taong iyon.
Pagkaraan ng isang araw napatingin ulit ako sa gawi ng unit sa harapan namin, at nagulat ako kasi ganun pa rin ang ginagawa ng taong iyon, na curious tuloy ako. Kaya araw-araw inaabangan ko siya, gabi palagi kung ginagawa niya yun kaya palagi akong nakabantay kung gabi. Parang timang lang no?
Isang araw, sa wakas nakita ko na rin kung anong ginagawa nito, dahil maliwanag na ang parte na kinatatayuan. Isa pala siyang babae, at kinukoskos ang kilikili nito habang nakaharap sa bintana ng kusina nila. Bigla akong napatawa, ‘di ko kasi napigilan. Nakita ako ng ate ko.
“Hoy, Lorenzo anong tinatawa tawa mo diyang mag isa? Para kang baliw!” Ani niya.
“Ah wala, ate kong maganda” at niyakap ko siya “may naalala lang ako”.
Ganun kami ka sweet ng ate ko, at dahil na rin siguro bunso ako.
“May hihingin ka no?” Atungal niya.
Napangisi ako “skate board”.
“No!” Saka mabilis na umalis ito.
Napakamot na lang ako sa ulo ko, matagal ko na kasing hinihingi iyon. Kunsabagay, kaya ko namang bilhin iyon dahil may trabaho na ako pero iba kasi pag sa kanya nanggaling e. Dalawa lang kasi kami ng Ate ko dito sa France, dito kami nagtatrabaho. Kaya spoiled ako. Pero ngayon ayaw akong pagbigyan, badtrip! Napatingin na lang ako ulit sa labas at napangiti. Hayop makakuskos ng kilikili 'tong babae na 'to ah.
Kaya araw-araw inaabangan ko na ang ritwal ng babaeng iyon, para tuloy akong stalker. Pero na curious ulit ako kung ano ang pinangkuskos nito. Kaya bigla humanap ako ng mababato dito, nakita ko naman ang kalamansi sa tray. Kinuha ko iyon at binato sa kanya.
Pak! Sapul! Tumama sa mukha nito. Namilipit tuloy ako sa katatawa. Nakita ko pa ang reaksyon ng babae, napangiwi ito. Napatingin tuloy sa labas, kaya agad akong nagtago at palihim na nagmasid. Parang may hinahanap ito, ayun yung kalamansi na inihagis ko. Nakita kong pinulot nito at kumuha ng kutsilyo. Napalunok ako bigla. Pero agad nitong hiniwa ang kalamansi at…..
Hahahahahahaha di ko napigilang tumawa ng malakas. Pinangkuskos sa kilikili. Ayun alam ko na kung ano yun. Kaya araw-araw ko rin siyang hinahagisan ng kalamansi. Nagtataka siguro iyon pero kinukuha naman nito at ikuskos sa kilikili.
Isang araw, nagkasabay kami sa bus ng babaeng iyon. Kahit naman sa malayo naaninag ko naman ang mukha nito. Nakatayo kami pareho kasi puno na sa loob ng bus. Nakaharap ako sa kanya, maganda pala siya. Magkasing-edad lang siguro kami. Maputi ito at sexy. Wew! Easy lang Enzo! Saway ko sa sarili ko. Napatingin siya sa direksyon ko pero agad namang binaling sa kabila ang mukha. Pero tinitigan ko talaga siya. Para akong manyakis sa ayos na yun.
Huminto ang bus at bababa na ako. Syempre siya rin dahil isa lang ang avenue namin. Pagbaba dire-diretso siya, napasunod naman ako. Kailangang makilala ko siya, sabi ko sa isip ko. Kaya inipon ko na ang lakas ng loob ko.
“Ahem! Hi!” Intro ko. Ngunit hindi ito lumingon.
Isa pa, “hi”.
Badtrip, hindi pa rin lumilingon at isa pa.
Napatigil ako, gago ka ba Lorenzo? Nakaheadphone uh! Muntik ko ng mabatukan ang sarili ko. Anak ng tokwa, ang tanga tanga ko. Napakamot tuloy ako sa ulo.
Pero hindi, hindi ako titigil hangga’t hindi ko siya nakikilala. Kaya ang huling alas ko ay ang kalabitin siya.
“Hi, Miss” sa wakas lumingon ito. Para tuloy akong iihi.
“Yes?” Wow, ang ganda ng boses. “Yes? May i help you?” Pukaw nito sa nagdedeliryo kong puson ay puso pala.
“Ah e, pilipino ka ba Miss?” Napakunot ito. Napatigil ako, mali ba ako? Hindi ba siya pilipino? Aishh Lorenzo!
Unti- unti itong napangiti. Para yatang huminto ang mundo at natunaw ako. Joke! Batok! Pak! Syempre sa imahinasyon ko lang yan.
“Oo, ikaw din ba?” Napangiti tuloy ako. Ayos! Tumama ako. Atleast kahit ngayon lang ay oo nga pala natamaan ko rin naman siya sa mukha. Hahahaha
“Saan ka nakatira?” 
“Ah– diyan lang sa likuran” bakit ka nauutal Enzo? Parang ang hina mo sa chicks ah. Langya!
“D’yan lang ako uh” at tinuro ang sa unit na alam ko naman na diyan siya nakatira.
“Ah talaga d’yan lang ako sa likuran niyon”.
“By the way, I’m Samantha” saka inabot ang kamay sa’kin.
“Lorenzo, Enzo for short” at nagkamay kami. Kahit ang kamay malambot.
At yun na nga ang simula ng aming pagkakaibigan. Magkasabay kami palagi sa pag uwi galing trabaho.
Lumipas ang ilang buwan, naging mas close na kaming dalawa. Pero hindi ko pa rin siya matanong tungkol sa ritwal nito. Ano ba kasi ang gusto mong itanong? Ritwal nga niya yun.
Hindi ko pa rin siya nadadala sa unit namin at baka malaman nito na ako ang nanghahagis ng kalamansi sa kanya. Patay ako!
Isang araw nag grocery kami. Luko luko ako e, binigyan ko siya ng isang plastic ng kalamansi. Nagalit sa akin, iniwan ako. Mga ilang araw din akong di pinansin ng babaeng iyon. Pero pagkaraan ng ilang araw nagkabati rin kami.
Niligawan ko siya kaya good boy talaga ang image ko nun. Sa wakas nadala ko na rin siya sa bahay at naipakikilala sa ate ko. Naghuhugas siya ng kamay niya ng sumilip siya sa siwang ng kusina namin. Napatigil ako sa paglalakad ng mapuna kong matiim siyang tumingin sa baba; sa kusina ng bahay nila. Napatikhim ako habang papalapit sa kanya.
“Sam, tapos kana?” 

“Ikaw ba?”
 Tanong nito, at alam ko ang tinutukoy nito.Dahan dahan siyang humarap sa ‘kin at ‘di maipinta ang mukha.
“Sam let me explain” pero napalitan ng galit ang mukha nito. Umalis ito bigla sa harapan ko at nakita ko nalang na dali- dali ng lumabas ng bahay.
Ilang araw ding hindi nagpakita sa’kin si Samantha. Hindi rin nito nirereplayan at sinasagot ang tawag at text ko. Hindi ko na rin siya nakakasabay sa pag-uwi.
Kaya naisipan kong gumawa ng karatula “I’M SORRY, SAMANTHA”. At nilagay ko ‘yun sa siwang sa kusina namin; paharap sa kusina rin nila. Bahala na basta maipapakita ko na nagsosorry ako.
Pero wala pa rin, kaya isang araw hinatak ko lahat ang lakas ng loob ko. Binatukan ko lahat at iniwan ang pride ko. Bahala na si Batman!
Pumunta ako sa unit nila Sam, hihingi ako ng tawad kahit ilang beses pa at kahit lumuhod pa ako sa harapan niya. Di ko kayang mawala siya sa akin. Peksman, mamatay man.
Dala ang rosas sa kabilang kamay ay kakaba-kaba na akong lumakad. Nininerbyus ata ako. Huh? Si Lorenzo Di Matalo, bahag ang buntot? Ng marinig ko iyon ay agad kong sinuntok ang nagsabi nyon. “Sinong bahag ang buntot?” Napaapir tuloy kami ng puso ko. Aahhhhhh! Baliw na yata ako.
Bago pa ako tumakbo sa kung saan ay sinimulan ko ng umakyat ng hagdan. Parang nag dedeathmarch ako sa lagay na iyon. Ayun! Nasa harapan na ako ng unit nila Sam. Nanlalamig ang mga kamay ko at nanlalagkit ang pawis ko. Yak!
Bago pa ako kumanta ng Sorry na ng Parokya ni Edgar ay kumatok na ako sabay tawag ng pangalan ni Sam. Wala e, parang walang tao. Nakailang ulit na yata akong kumatok at tumawag. Tiningnan ko ang kamay ko at nagkasugat sugat na pala. Pero joke lang ‘yun. Wala na! Wala na talaga! Pipihit na sana ako patalikod ng marinig ko ang ingit ng pinto.
Nakita kong iniluwa niyon si Sam. Walang salitang lumabas sa mga labi nito, nilakihan ang awang ng pintuan at alam kong pinapapasok ako nito. Pumasok naman ako, dirediretso lang ito hanggang sa kusina. Huminto sa harapan ng bintana at binuksan iyon.
Hala! Walking dead na yata itong si Sam! Sabi ng isip ko.
Agad itong may tinuro sa itaas. Nakita ko naman ang tinuro nito, ang karatula sa siwang ng kusina namin.
Pero teka, parang may mali. Lumapit ako sa bintana at pinagmasdan talaga ang karatula na iyon.
Aishhhhhh! Baligtad pala. Napakamot tuloy ako sa ulo ko at napatingin sa gawi ni Sam. Nakita kong napangiti ito pero agad na sumeryuso ng tumingin ako.

gorovmed.blogspot.com

“Sam, sorry na please!” At lumuhod na ako. Yes! Nagawa ko, pwede na ba akong best actor?
“Hindi ko naman sinabi kasi sayo dahil ayokong magalit ka sa’kin. Alam mo namang lab na lab kita” ayun! Wala ng papantay sa’yo Lorenzo!
Tumingin ito sa kamay ko. Ay oo nga pala ang bulaklak. Agad kong binigay sa kanya habang nakatungo sa harapan niya. Naramdaman kong kinuha nito iyon. Napatingala ako sa kanya, “bati na tayo?”
Tumango siya at di ko napigilang yakapin siya.
“Nagalit lang naman kasi ako sa’yo dahil nahihiya ako sa sarili ko” napakalas ako sa pagkakayakap sa kanya sa sinabi niyang iyon.
“At bakit ka naman mahihiya?” 
“Kasi nga kuskos ako ng kuskos” at napatawa ito sa tinuran.
“Eh bakit ka kasi nagkukuskos?”
“Eh, kasi maitim ang kilikili ko” nahihiya pa nitong sabi.
“Sam, kahit maitim pa ang kilikili mo o yung singit mo!” At tumawa ako, hinampas naman ako nito. “O, kahit maitim pa buo mong katawan ang mahalaga mahal kita. At ikaw ang pinaka magandang babae sa balat ng lupa”. Exaggerated ba ako?
Nakita kong umismid ito at nag-iba ng timpla ng mukha.
Hay, mahabaging diyos, ano po ba ang dapat kong gawin para ipakitang mahal ko siya? Babae talaga, di maintindihan.
Sisimulan ko na sanang kumanta nang:                                        
Minamahal kita!  Ba’t di ka maniwala!                                                
Anong kailangan kong gawin upang seryosohin mo.                                 
Ang aking sinasabi tungkol sa pag-ibig ko sa ‘yo.                             
Maniwala ka sana, minamahal kitaaaaaaaaaa!
Ayus, ako na fan ng Parokya ni Edgar!
“Bakit sa lupa lang?” Ismid nito.
Ayun, yun lang pala yun. “E di sa langit, sa buong universe at kahit sa impyerno” at napatawa kami.
“Pramis?” 
“Pramis!” At agad niya akong hinalikan. Oh, ‘di ba, bro! Kahit ako may happy ending din.
favim.com

==========================
Originally posted on : Definitely Filipino 

Comments

Popular Posts